Pahayag ng KARATULA hinggil sa sensura ng KULO

source:  http://www.facebook.com/notes/karatula-nasyunal-pilipinas/pahayag-ng-karatula-hinggil-sa-sensura-ng-kulo/232385023465554

 

Ang sining ay produkto ng pisikal na kakayahan, malikhaing pag-iisip at interpretasyon ng isang manlilikha sa kanyang nakikita, nasasaksihan at nararanasan sa lipunan sa isang takdang panahon. Dahil ang kultura ay sumasalamin sa ekonomiya at pulitika ng isang takdang lipunan, ang sining at ang manlilikha, bilang bahagi ng kultura at lipunan, ay pumapanig at sumusuhay sa nagtutunggaling mga interes, pananaw at paniniwala ng mga uri.  Para sa bansang may ekonomikong base na katutubong pyudalismo at pulitikang makadayuhan tulad ng Pilipinas, makikita ang paghahari ng uri ng mga haciendero, burgesya komprador, dayuhan at kaapihan ng uring anakpawis. Mauugat dito namamayaning kultura na siyang nagpapanatili ng ganitong kaayusan. Pinapalaganap ito ng mga naghaharing pwersa sa kultura, mula sa edukasyon, mass media, relihiyon at iba pa.

Walang sining na alang-alang lamang sa sining; nakikita sa paglikha ng artista at pagtanggap ng awdyens (puri, puna o death threats man) ang kanilang makauring interes. Sa kasaysayan, naging daan ang sining upang itaguyod ang isang namamayaning panlasa at kultura o kaya naman ay bumatikos dito, lumikha ng debate at maghangad ng isang bagong kamalayan. Lalong mahalaga ito para sa mga kabataang likas na bukas sa mga bagong ideya at siyang magtatakda sa susunod na modang pangkultura.  Sa buong kontrobersiyang nalikha ng “Poleteismo” ni Mideo Cruz, makikita ang iba’t ibang pananaw mula sa iba’t ibang panig, sang-ayon man, tumututol o walang pakialam. Maiintindihan rin ang reaksyong dinulot nito sa iba at sa mga konserbatibong taong simbahan sa isang bansang malaganap ang Kristyanismo.

Kung ang gawa ni Cruz ay offensive o progressive man¸ maganda o pangit para sa madla, ang dapat ay tumindig para sa malayang pagtutunggali ng iba’t ibang mga ideya at palitang kuro upang mangibabaw ang mga wastong pananaw hinggil sa sining, kultura at maging sa lipunan. Ito ay ang karapatan sa freedom of expression na protektado ng Konstitusyon. Si Cruz mismo ay bukas sa kritisismo at dapat pang ihikayat para sa pagpapaunlad ng kanyang sining. Hindi sapilitan ang pagpunta sa eksibit na “Kulo” at pagtingin sa gawa ni Cruz. May kalayaang magbigay ng pananaw ang may negatibong reaksyon dito. Ngunit dapat kundinahin ang mga aksyon na nagsesensura at bumubusal sa malayang debate. Halimbawa nito ang mga naglalagay sa panganib sa buhay ni Cruz, pambababoy sa likha nito at tangkang pagsunog nito (na maaring makadamay sa eksibit at gusali ng CCP), paghiling ng pagbaba sa puwesto ng mga opisyal ng CCP, hanggang sa malinaw na sensura sa pagsasara ng “Kulo” sa simula ng linggo sa udyok ng mga nasa kapangyarihan, kahit maraming kabataan ang pumunta sa CCP sa araw na iyon upang makita ang eksibit.

Isang matingkad na halimbawa ang mga pangyayari sa pagpapatuloy ng kultura ng represyon at pasismo sa ating bansa na siyang humahadlang sa pamamahayag at paglikha lalo na ng mga kritikal sa mamamayaning kaisipan at paniniwala. Mula sa pagsang-ayon sa pisikal na paninira ng gawa ng Cruz sa editoryal ng Inquirer, isang mainstream na publikasyon, sa sensura at pagsasara ng eksibit matapos ang pahayag ni Imelda (na isa rin sa mga pakana ng pagsensura ng mga progresibong pelikula noong panahon ng Martial Law), at maging sa pagsuporta ni Noynoy Aquino sa aksyon na ito. Aniya, hindi raw niya nakikitaan ng pagsisilbi ang sining na diumano nakakainsulto sa paniniwala ng karamihan. Sa ilalim ng kanyang “paninilbihan” sa karamihan, dahas at pasismo ang sagot niya sa mga kritikal sa sistema at naghahangad ng makabaluhang pagbabago ng lipunan. Patuloy ang pamamaslang at walang kalayaan ang mga bilanggong pulitikal, kabilang ang mga artista at manunulat tulad nila Ericson Acosta, Maricon Montajes at Alan Jazmines.

Paano tunay na magsisilbi ang sining sa karamihan?  Turo ng isang dakilang guro, dapat magmula ang sining sa malalalim na bukal na buhay at pakikibaka ng masang api, at muling ibalik ito sa kanila at maging bukas sa kanilang palagay at kritisismo upang paunlarin ang likha. Mas matalas ang kritisismo sa namamayaning kultura (para kay Cruz, patriarchy at pagsamba sa iba’t ibang “idolo”) kung kaakibat ang pag-ugnay at pagiging kritikal sa namamayaning sistemang panlipunan nagbunga nito. Dapat lumubog ang mga artista sa masa, maging bahagi ng diyalogo at tuloy-tuloy na edukasyon at maipagkaisa ang nakararami upang maging mas matalas, malawak at kongkreto ang mensaheng ng pagbabago na nais ipahatid ng manlilikha.

Labanan ang repression at pasismo!

Tumindig para sa karapatan ng malayang pamamahayag!

Palayain ang sining!

Lumikha at magsilbi para sa sambayanan!

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s