Art: Pahayag ng Neo-Angono Artists Collective Inc. Tungkol sa Sinensor na “Kulo” Art Exhibit sa Cultural Center of the Philippines

source: http://rizalnewsonline.blogspot.com/2011/08/artsstatement-pahayag-ng-neo-angono.html?spref=fb

 

Itinuturing ng Neo-Angono Artists Collective na sensorship at paglabag sa kalayaan sa pamamahayag at malikhaing paglalahad ang pagsasara sa “Kulo” Art Exhibit sa Cultural Center of the Philippines.
Dama namin ang sakit nang maging biktima ng sensorship at pagsasawalang bahala sa kalayaan sa pamamahayag at malikhaing paglalahad. Naranasan namin ito noong 2007 nang ang mural naming pinamagatang “Sangandaan sa Kasaysayan ng Malayang Pamamahayag sa Pilipinas” ay binastardo mismo ng mga taong dapat sana ay unang nagtatampok, nagtatanggol at nakikipaglaban para sa kalayaan sa pamamahayag.
Maaaring sumang-ayon o hindi tayo sumang-ayon sa isang likhang-sining na nasa harap natin at naka-eksibit. Maaaring nasaling o natabig ng likhang-sining na nasa harap natin ang ating sensibilidad at mga pampulitika, panlipunan at pang-espiritwal na paniniwala. Maaaring nagalit tayo, natawa, naasar, o humanga sa isang likhang sining na nasa harap natin.
Maaari, at dapat.
Sapagkat ito ang kakanyahan, layunin at tagumpay ng sining: ang tumagos at tumalab sa pinakaubod ng mga organong pandama ng mambabasa o tumitingin.
Sapagkat ito ang ubod at buod ng malayang pamamahayag at malikhaing paglalahad: na maaaring hindi tayo sumang-ayon sa gustong sabihin ng isang tao, pero ipaglalaban natin ang karapatan niyang sabihin ito.
Kung tayo man ay nasaling, naasar, nagalit, pwede naman tayong gumawa din ng kaparehong sining o pahayag na reaksyon sa nakita natin sining. Pwede nating murahin si Mideo. Pwede natin siyang isumpa sa impiyerno.
Pero hinding hindi katanggap-tanggap, hindi makatarungan, hindi demokratiko, hindi makatao, at sabihin pa – hindi maka-Diyos – ang pisikal na anihilasyon o pagbantaan ang buhay ni Mideo at tanggalin o isara sa publiko ang anumang artwork.
Dahil kung papayagan natin ito, nilalabag na nito ang pinaka-ubod ng kalayaan na ugat at pinagsasangahan ng ano pa mang kalayaan – ang kalayaan ng salita, sa kaso ni Mideo at ng lahat ng artists na kalahok sa “Kulo” exhibit — ang kalayaan ng biswal na salita at pamamahayag.
Kung walang kalayaan sa salita at malikhaing paglalahad, walang kalayaang umangal, walang kalayaang magtipon-tipon, walang kalayaang maglabas ng dyaryo, walang kalayaang kumontra sa dapat at maktwirang kontrahin na pagtingin o paniniwala. Walang karapatang sumalungat sa agos.
Kung walang kalayaan sa pamamahayag, walang kalayaan si Mideo at wala ding kalayaan ang mga tumutuligsa o kumokontra kay Mideo.
Wala tayong karapatan na ang anumang likhang sining ay sirain, lapastanganin o tangkaing sunugin gaya ng pagtatangkang ginawa sa artwork ni Mideo at sa iba pang artwork ng mga artists ng “Kulo.”. Lalupa, wala tayong karapatan na pisikal na saktan ang artwork at pagbantaan mismo ang buhay ng artist dahil kung gagawin ito, pananabotahe na ito sa ubod ng sarili nang may sarili.
Kung nasaling man ni Mideo ang Katolikong paniniwala – na paksa niya sa kanyang mahabang serye ng pagsisining – at tumiwalag ang nakakita nito sa Katolisismo at nagtanong, hindi ito dahil sa sining kundi dahil sa tibay o hina ng pananampalataya ng tumitingin. Katulad ng “Da Vinci Code” at “The Last Temptation of Christ,” tinitimbang nito ang ating paniniwala. Kung magkulang man ang bigat o gaang ng pananampalataya, pinaka-may mapagpasyang dahilan dito ay ang sarili at indibidwal, hindi ang kanyang nasa paligid o sinuman.
Dagdag pa, kung bibistahin lamang ang Facebook account ni Mideo, libu-libo na ang mga masasakit na salita, mura at sumpa ang comment dito. Pero ano ang reaksyon ni Mideo? Hinayaan niya lamang ito na mabasa ng kung sino mang babasa. Hindi ito dinilete ni Mideo. Tanda ito ni Mideo na handa siyang tanggapin ang anumang puna, komento, kritisismo at pagkilala din sa iba na karapatan din nila ang kalayaan sa pamamahayag.
Sa gitna nito, ng nagbabanggaang pananaw, ay ang isang bagay: ang diskurso, usapan.
Ang bayan na pumapaslang sa diskurso at malayang pamamahayag ay bayang nagsisilang ng bugok na karanasan at kasaysayan.
Parang penoy.
Huwag tayong maging penoy dahil tayo ay mga Pinoy.
UPHOLD FREEDOM OF ARTISTIC EXPRESSION! NO TO CENSORSHIP! NO TO REPRESSION!
-NEO-ANGONO ARTISTS COLLECTIVE INC.
11 Agosto 2011

Angono, Rizal

 

 

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s